Mga gamot sa tigyawat feat

Mga Gamot sa Tigyawat

“Magandang araw Ate Remedios, ako ay sumusulat ng liham na ito dahil kasalukuyang may nakikitirang mga tigyawat sa aking mukha. Ako ay makikipag-date sa aking crush sa susunod na lingo at nais kong matakam siya sa akin na para ba akong isang nakahaing leche flan sa isang pista. Sana po ay matulungan niyo ako at mabigyan ng mga mabisang paraan o gamot sa tigyawat sa inyong reply.

Huwag na po kayong sumulat pabalik sa akin kung sasabihin niyo lamang na lahat tayo ay may angking kagandahan at hindi na natin kailangan magpaganda pa.

Nagmamahal, Gemmalyn.”

Tulad ka ba ni Gemmalyn na naghahanap ng mga gamot sa tigyawat? Huwag ka mag-alala, narito si Ate Remedios para iligtas ka!

Mga sanhi ng Tigyawat

Ang madalas na target ng tigyawat ay mga teenager ngunit sa ano mang kadahilanan, ito ay isang peste na kahit ang may edad na tulad ko ay nagiging biktima pa rin nito.

Kadalasan, ang tigyawat ay dala ng “sebum” (malangis na sangkap) na namumuo sa pores ng balat natin. Ang sebum ay gawa ng “sebaceous glands” na sumisiksik sa kailalim-ilaliman ng ating mga balat. Kapag ang sebum ay walang malabasan, ito ay nagiging tigyawat.

Ang tigyawat na ating kinasusuklaman ay minsan maliit o malaki, puno ng nana o mamula-mula na bukol na pwedeng lumabas ng panandalian o pababalik-balik. Dumedepende ang pagtubo nito sa kundisyon ng balat ng tao. (Alamin ang uri ng iyong balat DITO)

Madalas na nakakaapekto ang tigyawat sa pamumuhay ng isang indibidwal. Pwede nito tanggalin ang kumpiyansa ng isang tao sa kanyang sarili at pigilan siya gawin ang kaniyang mga kagustuhan dala ng hiya, pangangamba o pag-aalala sa kaniyang hitsura.

Iba pang sanhi ng pagtubo ng tigyawat

tigyawat tips

  • Mga teenager na hindi balanse ang “hormones” sa katawan
  • Malangis na buhok
  • Labis na pag-aalala at stress
  • Labis na matataba at matatamis na pagkain
  • Pagpapahiram at paghiram ng mga “makeup tools at brushes”
  • Kakulangan sa tamang paglinis ng katawan
  • Reaksyon mula sa mga kemikal
  • Maruming kapaligiran

Napakaraming kumakalat na tips at gamot sa tigyawat sa internet. Ang unang pahina ng Google ay punung-puno ng mga “home remedies” na gamot sa tigyawat… nakakatulong ang mga ito pero sino ang may oras para dito?

Naniniwala ako sa pagbabago at bilang isang Makabagong Pilipina, wala akong panahon na magkalat sa kusina para sa isang bagay na madalas namang hindi gumagana.

Masarap paringgan na kaya nating gamutin ang tigyawat sa ating mga tahanan pero ang iba sa atin ay may “hormonal imbalance”, tigyawat na pabalik balik o “cystic acne”, atbp. Mga tigyawat na nangangailangan ng mas higit na atensyon at hindi kayang gamutin sa pamamagitan lamang ng pagkuskos ng calamansi.

Kailangan namin ng mas epektibong gamot sa tigyawat!

Kalma lang Gemmalyn, hindi mo kailangang sumigaw. Pag-usapan na natin ang ibat-ibang epektibong gamot sa tigyawat para mapansin ka na ng crush mo (sa magandang paraan).

Mga Epektibong Gamot sa Tigyawat

Ineksyon sa Tigyawat (Ginagawa ng mga Artista)

ineksyon sa tigyawat

Ang iyong mga paboritong artista ay may magagandang kutis dahil kaya nila itong alagaan at sustentuhan. Isa sa kanilang mga paboritong gamot sa tigyawat ay ang “Pimple Injection” o tinatawag na “Intralesional Steroid Injection”.

Ito ay isang gamot na madalas nilang pinapaturok kapag sila ay may tigyawat at kailangan nilang magpunta sa isang pagtitipon. Madalas ay napakaraming mga kamera na nakatutuok sa kanila kaya naman kailangan nilang parating maging makinis.

Ang ginagawa sa kanilang nakaumbok na mga tigyawat ay tinuturukan ng “low-dose diluted steroid” na nagpapakalma ng mga ito.

Hindi nito tinatanggal ang sanhi ng tigyawat mula sa kailalim-ilaliman ng ating mga balat. Ang ginagawa lamang nito ay pinapakalma ang bukol ng tigyawat kaya hindi ito permanenteng gamot sa tigyawat.

Ito ay hindi ko matatawag na isang napaka-epektibong gamot sa tigyawat pero ito ay pwedeng ikonsidera kung ikaw ay may importanteng pupuntahan tulad na lamang ng unang date niyo ng crush mo.

Ilaw at Laser na gamot sa tigyawat

Ang paraan na ito ay kayang pumuksa ng “Propionibacterium Acne” na nagdudulot ng pag-umbok ng tigyawat.

Pinaparating sa napakalalim na “layer” ng balat natin ang “laser” para wasakin ang ating “sebaceous glands”. Ang nawarak na sebaceous glands ay mahihirapang gumawa ng langis at sebum na madalas na dahilan kung bakit tayo tinutubuan ng tigyawat.

Hindi pa lubos na napapatunuyan ang pagiging ligtas nito kaya mas mabuting kumonsulta ka muna sa iyong dermatologist.

Madalas na inererekomenda ito sa may mga masebong mukha o “oily skin”.

Extraksyon at Drainage

Ito ay madalas na ginagawa ng mga dermatologist pag ang gamot sa tigyawat na binigay ay walang bisa.

Ang mga sobrang laking tigyawat ay maaaring magdulot ng pananakit at ang “Extraction at Drainage” na pamamaraan ay higit na nakatutulong na bawasan ang paglobo nito.

Dagdag rito ay may maliit na tsansa lamang ito na mag-iwan ng peklat sa balat. Huwag na huwag mong paputukin ang tigyawat mo ng sarili mo lamang lalo na kung ang iyong tigyawat ay malaki.



Tanging ang mga doktor/dermatologist lamang ang may kakayahan kung paano ang tamang pagtanggal ng mga ito dahil sila ay kompleto sa karanasan, tamang proseso, kaalaman, at tamang gamot.

Pills na pang Birth-Control

Tulad mo, ayoko ring mabuntis *charot*. Ang gamot na ito ay hindi pangkalahatan. Ito ay inirerekomenda lamang ng mga maalam na doktor na madalas na nakikisalamuha sa mga kababaihang may “hormonal imbalance”.

Ang mga pills na ito ay may posibilidad na maging sanhi ng sakit sa puso, pamumuo ng dugo, at alta-presyon. Huwag na huwag kang mag-eeksperimento sa mga klase ng gamot na ito.

Ikonsidera mo lamang ito kapag nirekomenda ito sa iyo ng iyong doktor.

Sumubok ka na lamang muna ng ibang gamot sa tigyawat na matatagpuan sa ating bansa.

Microdermabrasion at Chemical Peel

kemikal peel

Ito ang aking paboritong paraan kung paano matanggal ang mga tigyawat. Hindi lamang nito tinatanggal ang tigyawat, blackheads, at white heads, kaya rin nito pakinisin, paputiin, at palambutin ang ating mga balat.

Sa Pilipinas, madalas itong ginagawa kasabay ng mga “acne-removal” na facial.

Hindi lamang tatanggalin ng mga aesthetician ang iyong mga tigyawat, itatrato pa nila ang mukha mo kung pano ito dapat tratuhin.

Kung gusto mong higit na malaman kung para saan ang facial na ito, basahin mo DITO.

Pinapahid na gamot sa tigyawat o Topical Acne Cream

Ito ang pinakaunang gamot na dapat mong binibili kung may problema ka sa tigyawat. Hindi mo kailangang agarang sumabak sa ibat-ibang proseso dahil madalas ay napaka-epektibo ng mga ito. Ang kinaganda rito ay napakadaling bilhin at hanapin dahil kalat ang mga gamot na ito sa mga botika sa bansa.

Ang madalas na sangkap ng mga topical acne cream ay nangagaling sa Bitamina A at kabilang rito ang tazarotene, adapalene, at tretinoin.

Mayroon ding mga pinapahid na “antibiotic” na nakatutulong sa pagpuksa ng mga bakteria sa ating mga balat.

Bukod sa dalawa sa itaas, isa sa mga pinakasikat na pinapahid rin sa tigyawat ang “Benzoyl Peroxide”. Bagamat maraming natulungan ito, maaari mo lamang gamitin ito ng paunti-unti. Ang sobrang paggamit ng Benzoyl Peroxide ay maaaring magdulot ng masama sa balat.

Kung ang tigyawat mo naman ay mamula-mula at namumukol, magandang subukan mo ang “Dapsone Gel”.

Kung ayaw mo naman na gumamit ng mga matatapang na produkto, pwede kang sumubok ng mga gamot sa tigyawat na may “Salycilic Acid” dahil ang sangkap na ito ay banayad lamang sa balat.

Maaari lamang na kumonsulta ka muna sa iyong doktor dahil kahit na pinapahid lamang ang mga ito, pwede kang makaranas ng pamumula, pagkahapdi, pagbabalat at pagkasunog ng balat kung mali ang dami ng iyong ipinahid.

Mga epektibong gamot sa tigyawat na pabalik-balik o Cystic Acne

Ililista ko ang dalawang gamot sa tigyawat na nirerekomenda ng mga doktor kung napakarami at pabalik-balik ang iyong mga tigyawat.

Antibiotic

Ang antibiotic ang isa sa mga pinakamabisang gamot sa tigyawat.

Ang mga iniinom na antibiotic ay madalas na binibigay ng mga doktor para mawala ang mga bakteria sa ating mga katawan. Madalas itong pinapainom matapos magpa-opera o para gamutin ang mga sakit na dulot ng bakteria.

Madalas na pinapagamit ng mga dermatologist ang antibiotic na “Tetracycline”. Ito ay isang uri ng antibiotic na iniinom at sinasabayan ng pinapahid na gamot sa tigyawat o “Anti-acne topical cream”.

Umaabot mula 4 na lingo hanggang 6 bago makita ng isang pasyente ang mga pagbabago sa balat niya.

Papatigilin ka ng iyong doktor/dermatologist sa pag-inom nito kung nakakita siya ng magandang pagbabago sa iyong balat.

Huwag na huwag kang mag-eeksperimento sa mga ganitong klase ng gamot. Manghingi ka muna sa “sugar daddy” mo o kung kanino ka man humihingi ng pera para may ipambayad ka sa pagkonsulta sa doktor.

Isotretinoin

drinking pill

Kung ang tigyawat mo ay inukit ng demonyo, maaaring hindi sapat ang mga antibiotic.

Mas kilala bilang “Accutane” o “Roaccutane”, ang Isotretinion ay madalas na nirerekomenda sa mga taong may napakalalim na tigyawat.

Dinadamay nito ang buong katawan at ang isang gamutan ay maaaring umabot mula 4 hanggang 6 na buwan.

Ang mga pasyenteng binibigyan nito ay maiging binabantayan ng kanilang mga doktor dahil ang gamot sa tigyawat na ito ay maaaring magdala ng panganib sa gumagamit.

Bawal na bawal ito gamitin ng mga buntis dahil pwede itong makaapekto sa dinadalang sanggol.

Kabilang sa mga “adverse side-effects” nito ay pagdurugo ng ilong, pagkasira ng atay, pananakit ng mga kasu-kasuan, at grabeng pagkatuyo ng balat (na may kasamang pagbabakbak).

Hindi lang pisikal ang pwedeng tirahin ng gamot na ito.

May mga pag-aaral na kaya rin nito magdulot ng depresyon at “suicidal tendencies” ngunit hindi pa ito nakukumpirma kaya naman patuloy pa rin ang pagbibigay nito.

Maaari lamang na kumonsulta muna sa isang espesyalista.

Ang kinaganda rito ay 2/3 ng mga binigyan ng gamot na ito ay hindi na ulit nakaranas ng cystic acne.

Ito ay napakabisa pero alam naman nating lahat na ang mga gamot ay may kalakip na karagdagang epekto sa ating kalusugan.

Bonus: Mga tips para makaiwas sa pagtubo ng tigyawat

Bawasan ang pag-mamakeup o paglalagay ng kolorete sa mukha

Kadalasan ay naglalaman ng “mineral oil” at “dimethicone” ang mga makeup na pwedeng magdulot ng tigyawat sa mukha. Kung hindi ka pupunta sa isang espesyal na okasyon, huwag ka na lamang maglagay ng makeup.

Siguraduhing ang mukha ay “Moisturized”

Madalas na iniisip ng mga tao na ang paglalagay ng “moisturizer” ay lalong nagdudulot ng pagsesebo ng mukha ngunit ito ay hindi totoo. Kapag ang iyong kutis ay hindi tuyot, mas maliit ang tsansa na gumawa ng mantika ang iyong sebaceous glands na nagiging dahilan kung bakit ka tintigyawat.

Mainam rin na hanapin mo parati ang nakasulat na “non-comedogenic” sa mga produktong pampaganda na binibili mo. Ang mga produktong non-comedogenic ay hindi nakakapagpabara ng pores kaya naman maganda ang mga tipo ng ganitong produkto para maiwasan ang pagtubo ng tigyawat.

Hugasan ng maigi ang mukha

Huwag makuntento sa pwede na, kailangan ay maglaan ng tamang oras para sa paghihilamos. Hindi pwede ang paghuhugas ng mukha ng limang segundo lamang.

Gumamit ng mga produkto na hindi matapang at kung maaari ay maghilamos ka ng 2 beses o higit pa sa isang araw. Huwag ka rin naman sumobra sa paghihilamos dahil baka mairita ang iyong balat at maging tuyot.

Pwede na ang isang minuto kada hugas.

Maaari ka din gumamit ng “toner” na angkop sa iyong balat para makasiguro ka na lahat ng dumi na dumikit sa mukha mo ay matanggal bago ka matulog.

Mga produkto na may gamot sa tigyawat

Napakaraming anti-acne cream na mabibili sa mga botika na hindi na nangangailangan pa ng kasulatan mula sa doktor.

Kadalasan, ang mga produkto na may Salicylic Acid, Benzoyl Peroxide, at Lactic Acid, ay magandang gamitin upang maiwasan ang pagtubo ng tigyawat.

Tanggalin ang buhok mula sa mukha

Ariana Grande pimple ponytail

Kung hindi ka naman dadalo sa isang party bilang si Cleopatra, hindi mo kailangan mag “full-bangs”. Dagdag na rin sa nakakatigyawat ang mga produktong pampaganda ng buhok. Ang mga ito ay kadalasang may matatapang na kemikal, pabango, langis atbp. na nakakapagpa-irita ng ating mga mukha.

Ang ating mga buhok ay madalas ring madapuan ng mga dumi galing sa kapaligiran.

May rason kung bakit parating nakataas ang buhok ni Ariana Grande.

Simulan mo nang humanap ng trabaho para may pambili ka ng panali sa buhok.

Relaks

May mga pag-aaral na ang stress raw ay isa sa mga dahilan sa pagtubo ng tigyawat. Mag-isip ng mga magaganda at positibong bagay. Pumunta ka sa mga nakakatawang fan page sa Facebook. Hindi na natin kailangan ng karagdagang alalahanin dahil ang ating mga trabaho ay sadyang nakakapagod na.

Iwasan mo rin silipin ang profile ng mga kaaway o mga taong hindi mo gusto, “i-unfollow” mo na sila o kung matapang ka, tuluyan mo na silang “i-block”.

Itigil ang kakahawak sa mukha

Maaaring iniisip mo na ang iyong kagandahan ay isa sa mga patunay na totoo ang Diyos pero kailangan mo nang itigil ang labis na paghaplos sa iyong mukha.

Ang ating mga kamay ay tahanan ng milyung-milyong germs at nalilipat ang mga ito sa iyong mukha dahil sa kakahawak mo nito.

nakagapos

Mag-isip ng Mabuti. Hanapin mo si Christian Grey para igapos ang iyong mga kamay.

Piliin ang mga Kinakain

Ang mga pagkaing hitik sa “dairy” at asukal (lalo na ang mga chichirya at delata) ay may kakahayang magdulot ng tigyawat.

Kahit gaano pa karami at kamahal ang ipinapahid mong mga gamot sa tigyawat sa iyong mukha, kung marumi ang mga kinakain mo, mawawalan ng saysay ang mga ito.

Mag-ehersisyo araw-araw

Kung kaya mo ito, ikaw na! Kailangan ko rin gawin ito, pwede bang sa Lunes na lamang?

Umiwas sa araw

Hindi ko sinasabi ito dahil ikaw si Bella Swan. Ang araw ay kayang palalain ang iyong tigyawat dahil pwede ito magdulot ng pamumula at pagkairita. May mga gamot sa tigyawat na ginagawang sensitibo ang ating mga balat sa araw kaya naman mag-ingat ng mabuti.

Parating gumamit ng SPF sunblock para maging panatag ang iyong loob at balat.

Iwasan ang mga oras na 10 ng umaga hanggang 2 ng tanghali dahil ito ang mga oras na napakataas ang araw.

Sabi nga nila, mas maganda na umiwas sa sakit kaysa gamutin ito. Subukan mo muna ang mga bonus tips na ito bago ka sumabak sa paggamit ng mga pinaka-epektibong gamot sa tigyawat na nilista ko sa itaas.

Ano ang para sa iyo?

Sa mundo na punung-puno ng mga gamot sa tigyawat, sigurado akong mahuhulog ka sa isang bangin ng pagkalito.

Napakaraming doktor sa Pilipinas na pwedeng tumulong na humanap ng tamang remedyo sa mga tigyawat mo.

Ang malalang tigyawat ay hindi dapat pinag-eeksperimentuhan.

Maghanap ka ng doktor, alamin mo ang iyong Skin Type, at tanggalin ang mga pesteng tigyawat na ito sa tamang paraan.

Naghahanap ka ba ng mga paraan kung paano pumuti? Magbasa DITO.

xx

Signature of Amanda

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Privacy Policy